Bungkalan at Hacienda Luisita

Latest Update from Hacienda Luisita

Posisyon ng AMBALA hinggil sa Proyektong Bungkalan sa loob ng binakurang lupa ng Tarlac Development Corporation (TADECO):

1. Mahigit nang isang dekadang nakaposisyon ang mga manggagawang bukid sa loob ng 358 ektaryang sapilitan at marahas na binakuran ng Tarlac Development Corporation (sa Balete at sa Cutcut 2nd) noong September 2013 hanggang April 2014; Pag sinabing nakaposisyon, natatamnan na nila ito, nalilinang, at ginagawang produktibo, at nakapag-aambag sa ekonomiya ng mamamayan;

2. Batay sa orihinal na loan contract document, ang lahat ng agrikultural na lupa na natransfer sa TADECO mula sa TABACALERA ay dapat na maibalik sa mga magsasaka matapos ang 10 taon mula sa petsa ng pag-utang nila; kasama sa kabuuang lupa na dapat maibalik sa magsasaka itong mga binakuran ng TADECO sa barangay Balete at Cutcut 2nd;

3. Batay noong 1989 SDO, sa panunungkulan ng isang Presidenteng Cojuangco – Aquino, maanomalyang pinayagan ng DAR na maitakas ng mga Cojuangco Aquino ang mga lupa sa pamamagitan ng erroneous o maling pagklasipika ng mga lupa sa mga pangalang: Unproductive Lands, Agro-Forest, at Reserves; gayong ikinubli ng mga pangalang ito ang mga iligal na kumbersyon sa lupa na dapat sana ay pag-aari na ng mga manggagawang bukid kung naibigay sa kanila ang Hacienda Luisita noong 1967; itinago ng mga Cojuangco Aquino, ang pagbabawas ng sukat na ginawa na pala nilang Luisita Golf and Country Club, at Luisita Industrial Park, pati ang mga lupang inilipat nila sa Central Azucarera de Tarlac, gayong ang mga korporasyong ito ay pag-aari lang din naman ng mga Cojuangco- Aquino;

4. Batay sa April 24, 2012 na desisyon ng Korte Suprema, kinilala nito ang argumento ng mga manggagawang bukid hinggil sa mga lupa ng TADECO na maanomalyang hindi inilipat sa HLI, kaya may mahigpit itong bilin na: hanapin pa at ipamahagi ang iba pang agrikultural na lupa na pag-aari ng TADECO at bahagi ng tinatawag na Hacienda Luisita, na hindi nailipat sa HLI, lagpas pa sa 4,916 ektaryang lupa, ngunit nakapaloob sa orihinal na sukat na 6,443 ektarya;

5. Ang mga hawak ng TADECO na mga titulo diumano sa Brgy. Balete gaya ng TCT no. 408283 na may 83.7 hectares, TCT no. 408282 na may 35.9 hectares, at TCT no. 408279 na may 1.9 hectares ay parehas mula sa TCT no. 231161 na kapatid din lang naman ng mga TCT no. 231166 na may 61 hectares, TCT no. 231174 na may 19.2 hectares, TCT no. 231164 na may 22.3 hectares, at TCT no. 231183 na may 34.2 hectares na sa lahat-lahat ay aabot ng 258.2 hectares na siyang binakuran sa Brgy. Balete, ay mga anak lang din naman ng TCT no. 215100, na mula lang din sa TCT no. 205198, na higit pang matunton na anak din lang ng TCT no. 143015, na nanggaling sa TCT No. 138935, na nanggaling naman sa TCT No. 30413 na orihinal na TADECO Title sa kabuuang mga lupa ng Asyenda Luisita sa Tarlac City na mula lang din sa titulo ng TABACALERA na TCT No. 4173;

6. Gayundin, ang hawak na titulo ng TADECO sa halos 100 ektarya na marahas na binakuran sa Brgy. Cutcut 2nd ng mga Cojuangco – Aquino at ipinuslit na di ipamahagi, na TCT No. 400301 na may dalawang parsela ng lupa na ang isang parsela ay may sukat na 10.5 hectares at ang isa pang parsela na may sukat na 89.2 hectares, ay mula lang din naman sa TCT no. 240211, na anak lamang ng TCT No. 231197, na bahagi ng dating TCT No. 215101 na siyang anak na titulo ng TCT No. 205198 na anak ng din lang ng TCT no. 143015, na nanggaling sa TCT No. 138935, na nanggaling naman sa TCT No. 30413 na orihinal na TADECO Title sa mga lupa ng Asyenda Luisita sa Tarlac City na mula lang din sa titulo ng TABACALERA na TCT No. 4173;

7. Nagsampa ng kasong unlawful detainer ang TADECO sa mahigit 100 manggagawang bukid noong 2013, naipabasura ito ng mga manggagawang bukid, dahil kinilala ng lokal na korte, na wala naman talagang batayan ang kaso, ngunit kahit walang batayang legal para sa pagpapalayas, at walang anumang “court order” na may bisang magpalayas, kinasangkapan ng TADECO, ang posisyon sa gobyerno ng kaanak nitong Pangulo ng bansa, kaya epektibong na-command ang buong kapulisan ng Tarlac, pati AFP, para protektahan ang pang bubuldozer ng palay, panununog at pagwawasak ng kubo, pagpapalayas sa mga magsasaka, at pagbabakod;

8. Aabot ng 10 milyon piso ang kabuuang puhunan ng mga binuldozer na palay at gulay, kasama ang mga kubo na winasak. Aabot na din ng isang daang milyon mahigit, ang nawalang oportunidad sa ani, ngayong tatlong taon na nilang itiniwangwang ang lupa;

9. Patong-patong naman na gawa-gawang kasong kriminal ang isinampa ng TADECO sa mga manggagawang bukid, pati sa isang konsehal ng bayan ng Tarlac na taga Balete mismo, gayong usapin ito ng tunggalian ng karapatan sa lupa at hindi kasong kriminal dapat;

10. Habang may nakabinbin pang omnibus motion ang AMBALA na nakafile sa Supreme Court hinggil sa kabuuang pagkukuwestyon ng mga manggagawang bukid sa pamamaraan ng pamamahagi ng lupa sa Asyenda Luisita mula sa maanomalyang TAMBIOLO land reform, kasama ang usapin sa iligal na APFU, ang hindi umuusad na audit para masingil na ang 1.33 bilyong pisong utang ng mga Cojuangco Aquino, ang maanomalyang listahan ng mga benepisaryo na nagtanggal ng karapatan sa dapat na magkaroon ng lupa, ngunit nagbigay ng karapatan sa mga di karapat-dapat, at lalong higit sa pinaliit pang lalong sukat ng lupa na inilaan para sa pamamahagi sa mga benepisaryo sa Asyenda Luisita;

11. At nakabinbin din sa DOJ ang mga kaso na isinampa ng mga manggagawang bukid hinggil sa marahas na pagpapalayas sa kanila sa kanilang bukid na sinasaka, pati ang aktuwal na mga halaga ng sinirang pananim ng TADECO;

12. Mula nang mabakuran noong 2013 ang mga lupa sa Balete at Cutcut 2nd, hanggang sa kasalukuyan, nananatili itong agrikultural na lupa, na itiniwangwang lamang at pinabayaan ng TADECO.

Kaya, dahil sa mga nabanggit sa itaas:

1. Makatarungang isulong ng mga manggagawang bukid ng Asyenda Luisita ang Proyektong Bungkalan sa mga lupang agrikultural naman, kayang patunayan sa mga papel na bahagi ng dapat na maipamahagi pero hindi ipinamahagi, at ngayoy itinitiwangwang pa at iligal na kinakamkam ng mga Cojuangco Aquino;

2. Habang nakabinbin pa at dinidinig ang mga habol ng manggagawang bukid sa mga opisina ng mga ahensya at departamento gaya ng DOJ, at Korte Suprema, makataong hayaan munang magbungkal ang mga magsasaka, hindi naman permanenteng istruktura ang mga palay at gulay at mga pananim, hayaan munang gawing produktibo ang lupa, at magsilbi sa kumakalam na sikmura ng mamamayan;

3. Ipatupad na dapat ng DAR, nang matapat, ang binanggit na ng Korte Suprema sa desisyon nito noong April 24, 2012, na ayon sa mandato ng DAR, sa ilalim ng batas ng reporma sa lupa, na malaong ipasailalim para sa repormang agraryo ang iba pang agrikultural na lupaing dating hawak ng TADECO na hindi nailipat sa HLI ngunit dapat na sinaklaw ng RA 6657;

4. Napakalinaw na hindi hiwalay na isyu/hiwalay na lupa/o hiwalay na pamamahagi dapat ang mga bagong nabigyan ng NOC na lupa ng TADECO sa Brgy. Balete at Brgy. Cutcut 2nd. Mga lupa ito na bahagi ng 6,443 ektaryang lupain ng Asyenda Luisita, at napatunayang matabang lupang agrikultural pa, na ibig din sabihin ay istorikal at makatarungang pag-aari ng mga manggagawang bukid ng Asyenda Luisita;

5. Dapat pa nga na pagbayarin ng daang milyong pisong danyos ang TADECO at mga Cojuangco – Aquino sa walang kaluluwa nitong pambubuldozer sa mga gulay at palay at pangwawasak at panununog ng kubo, at pagpapalayas sa mga magbubukid nitong 2013 hanggang 2014 sa kabila ng belated na deklarasyon ng NOC ng DAR.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s