Hacienda Luisita by poet Gelacio Guillermo

Hacienda Luisita

Para sa mga welgistang kasapi ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU) at United Luisita Workers Union (ULWU) at mga biktima ng karahasang pulis-militar noong 16 Nobyembre

Ni Gelacio Guillermo

(ipinanganak Marso 10, 1940, Central Azucarera de Tarlac, Hacienda Luisita)

Inilathala ng Bulatlat

1

Alto, Primera Fila, Obrero, Camarin, Dolores—
Sino sa gayong kalawak ang nagtakda sa hugis ng aming buhay,
Sa gayong dikta ng kapalara’y kinailangang
Ang aming pagpapagal ay katugma ng kalupaan?
Ang mas mataas na lugar ay para sa mayayaman, ang mas mababa’y
Para sa mahihirap, ang namamagita’y latigo
Ng isang kanal, kung saan sinipsip at isinumpa ng mga linta ang aming kabataan,
Ang kanilang pag-aglahi’y nakatatak habambuhay sa aming mga katawan.
Pansinin ang pagkakahati: nasa kabila ang pabrika,
Bagamat ang braso ng aming mga ama at kapatid
Ang higit na mas malakas, ang kanilang mga braso
Ang nagpapabago ng mga panahon,
Ang nagbibigay-dangal sa pawis at dumi.
Tanging ang buhay nila ang hindi kanila.
Nakabahay sa kawalan ng matitirhan,
Tinitiis ng kanilang mga asawa ang kabuntisang walang kulay,
Namamatay sa kahihiyan ang kanilang mga anak o tumatakas.
Sila mismo’y naghihintay ng pagtanda na naghihingalo,
Nababalot ng pangingisay ng katahimikan, nakalambiting mga himulmol.
Narito ang kasaganaang umaapaw sa mga bagong
Hila ng maiitim na tren, na ang ingay nila’y para sa mga pangalang
Kanilang ibinabando—Don Pepe, Dona Sidra, Senyorita Pat, Senyorita Cory,
Silang tanging may karapatang yanigin ang aming mga gabi,
Karapatang ipinagkakait sa hikbi ng aming mga ina’t anak.
Ang riles na nakapako sa lupa ay ang aming buhay
Na sinanay sa pagtitimbre ng oras
Sa Casita de la Guardia, gaano nang makaligtas
Sa hagupit ng Guardia Monte.

Alto, Primera Fila, Obrero, Camarin, Dolores—
Mga lokalidad ng makikitid na kalsada, na ang buhay
Ay nagwawakas sa pusalian ng aming naunsyaming pagmamahal.

2

Hindi likas ang mga panahon. Dalawa ang panahon,
Ang panahon ng kabyaw at ang panahong tigil, ang isa’y naglalawa
Sa grasa at mulasis, ang isa nama’y sintuyot ng bagaso.
Liban sa pagpapalit ng mga tauhan o bahagi ng makina,
Walang pagbabagong nagpapabago sa mga daang-riles ng panahon,
Ang kanilang mekanikal na pag-ulit-ulit ay nakapiston sa pasubaling
Walang anumang babaguhin, ni ang klima
Ng huntahan ni ang ani ng tungkulin o buhay.
Ang mga panaho’y bunton ng quedan at utang,
Sakuna’t kamatayan, sakit at pagpapatalsik,
Walang paghinog ng mga bagong pag-iibigan o pagpawi
Ng di-makatarungang relasyon. Hindi prutas ang mga tubo,
Sila’y Sugar y Azucar, amoy-salapi
Mula sa Mill Department, sa
Boiling House hanggang sa Departamento de las Vias
Y Transportacion, at ang tinatawag na milagro
Ng panahon, na inuukulan ng dasal, ay
Ang mga sapal. Kaya nga’t sa Alto, napipigil ng mga senyor
At senyora ang pagpapalit ng mga panahon
Para iwasiwas ng kanilang artipisyal na gubat ang mga sangang
May palagiang paabot na tag-araw. Ang kanilang libanga’y
Ang pagtatayo ng mga bangko at simbahan at pagpaparami
Ng mga tusong manok-pansabong at de-kwerdas na mga badigard.
Kaya nga’t sa Obrero, Camarin, Dolores, Lote,
Balete, Mapalacsiao, dumadaloy ang lahat tulad ng dati:
Naglalaro ang mga bata ng kanilang pinamagang raberband,
Na madaling maputol, inaalo sila ng kanilang mga ina
Ng tubo, panutsa, muskobado o repinadong asukal,
Na paubos na, ang kanilang mga ama’y
Lalong nabibingi’t natutulala sa lambong nitong beintekwatro oras
Na makinaryang animo’y bagyo’t kulog, lahat di maglalao’y huhupa
Sa ingit ng nag-iisang gulong ng bagon. Ang panahong tigil
Ay ang panahong nadiskaril, nanginginig sa manipis
Na tunog ng upod na bakal.

Kapag ang init
Ay tumindi, hindi na nila kailangang ipulupot ang kanilang buhay sa arko
Ng panamampalataya sa mga panahong ito, o mamulot ng malulungkot na kabute
Sa bunton ng madikit, umuusok, maitim na dumi
Ng kanilang paggawa. Sa kanilang mga barak, hinahasa
Ng mga tabasero ang kanilang mga karit sa kanilang mga sugat. Hindi
Na nila hihintayin ang mando ng Jefe de los Tabaseros.
Sa panahong sila mismo ang gumawa, sa tubuhan
Ng lahat nilang nabaling nasa, itinataas nila ang karit
Sa tanging maindayog nilang paraan ng pagtabas.

3

Sa dakong huli, ikaw
Ay parang pinangos na tubo
At tuyong sapal na nang iluwa
Sa pusalian ng sentral.
Dumadagundong ang mga bagon
Sa riles ng iyong naninikip
Na dibdib,
Pinipitpit ang bawat tumilapong
Tibtib ng iyong buhay.
Ang silbato’y mga tili
Ng iyong paghinding
Hindi naibulalas sa hanging
Naninikit sa lapot ng mulasis
At walang kipkip na mga pangako
Kundi ang mga bagasong
Gangga-puwing,
Nangangamoy sa salaping
Di lalapag sa iyong palad,
Sa iyong palad na walang guhit
Ng kapalarang di nangitim
Sa grasa ng kapagurang
Pinagsamantalahan.
Naging katawan mo
Ang iyong kasuotan, kulubot,
Kupasin,
May mantsa ng kirot sa bawat punit,
Ngunit sa pagtatagni-tagni’y
Napagdurugtong ang siwang sa langit
Ng iyong pagmamahal.

Pinanday mo ang bakal
Hanggang naging sintigas ng bakal
Ang iyong kamay,
Ngunit para sa iyong palad,
Isang butil ng asukal.
Isang butil ng asukal lamang ba
Ang babauning hapunan ng iyong
Gunita?

Ang mga makina ba’y nagkakalampagan
Upang pagsapit ng tag-araw
Ay walang maririnig kundi
Ang langitngit ng kinalawang na bagon
At hikbi ng pag-usbong
Ng mga kabute sa tubuhan?
Ang ani ba ng iyong paggawa’y
Mga matang walang tilamsik
Ng nagbabagang asitelin,
Mga labing tikom, hindi maihayag
Ang ngalan at lakas ng uri?
Isang butil ng asukal
Sa iyong palad,
Kaybusilak, pagkat ang kamay mo’y
Iyong dinumhan. Lagumin mo
Iyang isang butil sa iyong pawisang
Palad, itikom na ang naghihingalong
Mga daliri, ang iyong kamao’y
May hugis ng daigdig
Na nakaamba.
Iyong banaagin, sa kabila
Ng nakalambong na dilim,
Ang isang panahong
Hindi na magpapabukas—
Kaytindi ng sapok ng araw,
Nakasisilaw ang talim ng mga karit.
Sabay-sabay ang lagapak
Ng tubo sa parang:
Atin!
Nakabibingi ang mga makina,
Bumubulwak ang kumukulong
Pulot sa higanteng mga kawa,
Pumuputok ang almasen
Sa kaban-kabang butil
Ng ating paggawa:
Atin!
Sa talsik ng dugo’y
Tumitingkad ang kulay
Ng kasaysayang ang kauri mo
Ang nagwawagayway.
Sa noo mo’y nag-aapoy
Ang pinagbuklod na kaapihan.
Sa siklab ng iyong huling
Paghinga’y nagsisimula
Ang titis ng tagumpay.

(1962-1972)

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s